Loading...

Elysium

Do we live in a world created for us or do we create the kind of world we want?.

“Walang forever,” Hindi totoo ang happy ending,” “Sus maghihiwalay din kayo,” ayan ang madalas na lumalabas sa bibig ko lalo na kapag may nakikita akong magjowa na magkasama. “And they live happily ever after?”siguro sa mga fairytales na lang talaga mangyayari yan. “Until death do us part?” siguro hangang salita na lang lahat ng yan, isang pangako na lang na ang destinasyon ay mapako. Mahirap na talagang maniwala na may mga relasyon pang nagtatagal ngayon. Karaniwan kasi nauuwi lang talaga sa hiwalayan, yung iba naman pinipili lang magsama kahit hindi na sila masaya, siguro kasi iniisip na lang nila yung mga taong maapektuhan kung sakali man na maghiwalay sila. Masarap magmahal, pero hindi lang naman puro saya ang mararamdaman kapag nagmahal ka diba? Madalas sinusubok ang tatag ng samahan ninyong dalawa. May iba’t-ibang problema na dumarating at minsan sa pagharap sa mga ito, may isang bumibitaw, may isang sumusuko at mayroong isang naiiwan. Pero madalas kahit natapos na, mayroon pa ring umaasa, at mayroon ding naghihintay. Kahit masakit na kumakapit pa,kahit nahihirapan na lumalaban pa. 

Walang natapos kasi wala namang naging simula. Siguro isa rin ‘to sa mga masasakit na klase ng isang love story. Yung walang kayo, walang naging kayo pero umaasa ka, naghihintay ka at naniniwala ka sa mga pangakong binitiwan nya. “Maghihintay ako.” Dalawang salita lang, pero sobrang makapangyarihan kasi maraming tao ang pinanghahawakan at pinaniniwalaan ang salitang yan, maraming tao, kasama ako. Pero mukhang nabaligtad naman yata, ako kasi ang naghihintay ngayon, naghihintay na tuparin nya yung pangako nyang maghihintay sya. Kaya minsan kapag naririnig ko ang mga salitang “Maghihintay ako,” madalas pagdududa na lang ang nararamdaman ko. Pero may pagkakataon pa rin na naaakit ako ng matatamis na salitang ito at nakakalimutan kong minsan na nga pala akong naloko ng unang tao na nagbangit sa akin nito. Pero naisip kong magpadala na lang sa agos, hintayin na lang kung saan nga ba ang destinasyon ng mga salitang ito, hindi ko na muna pangungunahan at saka ko na lang huhusgahan kapag nakita ko na ang dulo. At sa pangalawa, pangatlo at pang-apat na pagkakataon, napatunayan kong tama ako. Anong nakita ko sa dulo? Wala, kasi wala nang naghihintay at unti-unti naubos na rin ang tiwala ko sa salitang “Maghihintay ako.” 

Kahit pilitin kong tumakbo ng mabilis para makalapit sayo, hindi pa rin kita maabutan. At minsan kahit ang lapit mo lang sakin pakiramdam ko ang layo mo pa rin. Pero bakit ko nga ba pinipilit na makalapit sayo? Bakit nga ba kita hinahabol? Bakit kahit may ibang daan na ay mas pinipili ko pa rin ang daan papunta sayo? Umasa kasi ako na tutuparin mo ang sinabi mong maghihintay ka at naniwala ako na kakayanin mong gawin yun kahit alam kong mahirap. At kahit ganon din ang nangyari sa mga sumunod, pinakamasakit pa rin ang sayo. Umasa ako at siguro hangang ngayon umaasa pa rin ako. Naghintay ako at siguro hangang ngayon naghihintay pa rin ako. Pero hindi na ganon sayo. Sa ibang babae ka na nagbibitaw ng mga pangako, at sa kanya tinutupad mo lahat ng sinasabi mo. Nasasaktan ako, kaya siguro ganito ako ngayon. Siguro nawalan ako ng tiwala sa pag-ibig kaya naisip ko na hindi kayang magtagal ng isang relasyon, o kahit magtagal man ay matatapos rin. Siguro hindi naging maganda yung unang pagkakataon na naranasan ko ang pag-ibig kaya inakala ko na ganon din ang mangyayari sa iba. Pero may mga tao naman na sa kabila ng mga problema na kinakaharap nila kinakaya nilang lampasan yun na kasama ang mga taong mahal nila. May mga tumatanda pa rin naman na magkasama. May mangilan-ngilan pa namang pinapatunayan na kamatayan lang ang pwedeng maghiwalay sa kanila. May mga relasyon mang napuputol at nagwawakas, hindi ibig sabihin na wala nang magtatagal. May ibang hindi nakikita yun kasi katulad ko, nabubulag na sila ng sakit, takot at pagdududa pero alam ko na balang araw magiging masaya din sila, may partner man o wala. At ako? Masaya ako ngayon, nandyan man sya o wala.

4 years ago October 31, 2016 31 October, 2016