Loading...
Ipakilala muna natin ang mga tauhan dito sa istorya nating pangkaraniwan din lang katulad ng iba,
Ako ang uto-uto at ikaw ang manloloko, ako ang tanga at ikaw ang paasa,
Isama na rin natin ang buwan at bituin na saksi sa lahat ng pangako mong napako, dahil sa ilalim ng maningning na kalangitan una mong sinabi ang salitang “Mahal kita” at “Ikaw lang walang iba” kahit noon ay mayroon akong pagdududa
Tauhan rin dito ang paborito kong unan, na sumasalo sa lahat ng luha ko sa gabing mayroon tayong di pagkakaintindihan,
At ang masakit na liriko ng musika na nagsisilbing boses ko kapag hindi ko na kayang magsalita dahil sa sakit na iyong dinadala sapagkat ang bawat salita at linya ang naglalarawan ng nadarama,
Hindi mahalaga kung saan ang tagpuan, sapagkat kontento na ang puso ko sa tuwing ikaw ay kasama,
Hindi importante kung may magandang tanawin dahil makita ka lang na masaya, pakiramdam ko ay nasa paraiso na,
Oo kahit saan, sapagkat ang makapiling ka ay sapat na,
Tuwa at saya lang ang tanging nadarama sa tuwing kasama ka kaya inakala kong kayang tiisin lahat basta’t kasama ka,
Ngunit nagkamali ako, dumating ang araw na hindi ko mahanap ang saya, nawala na ang dating galak sa tuwing katabi ka,
Hindi mahalaga kung saan, kailan at paano nagsimula sapagkat nang magtama ang mga mata, nakaramdam na ako ng kakaibang kaba,
At para bang may sariling utak ang aking labi, nginitian kita kahit hindi pa kilala, at ngumiti ka pabalik
Gulat, tuwa, kilig, kaba, sari-saring emosyon ang nadama dahil lang sa ngiting iyong pinakita,
Nagpakilala ka at ganon rin ako, at sa mga sumunod na araw ay mas nakilala natin ang isa’t isa
Nagkwentuhan, nagbiruan, nag-asaran, nagkulitan, hangang sa unti-unti ay nagmahalan
At ang mga sumunod na pangyayari ay katulad din ng ilan,
Ang umpisa ay masaya, siguro nga ganon talaga, ngunit habang tumatagal unti-unti ay nawawala ang mahika
Ang dating saya ay napalitan ng mga luha, ang bawat ngiti ay napalitan ng mga hikbi, at ang masasayang kwentuhan ay napuno ng walang katapusang away, ang pangako ng pagmamahalan ay nauwi sa hiwalayan,
Akala ko ikaw na nga, naniwala ako na iba ka sa kanila, pero hindi pala, umasa lang ako sa wala,
Natalo ako, natalo na naman ako.
Tuwing gabi, kapag hindi makatulog, walang katapusang tanong na bakit at saan ako nagkulang ang naiisip,
Pinipilit kong hanapin ang sagot pero hindi ko makita, hindi ko alam, hindi ko maintindihan, minsan ayoko na ring isipin pero hindi ko maiwasan
At sa lalong paglalim ng gabi, hindi ko namamalayan ang mabilis na pagtulo ng mga luha,
Mga luhang tanda ng lungkot, mga luhang punong-puno ng pait at sakit, mga luhang gusto ko ng itigil pero di ko magawa, mga luhang gusto ko ng matapos pero di ko alam kung paano ba,
Mga luhang dahil sa pang-iiwan mo, mga luhang dahil sa pagpapaasa mo, mga luhang dahil sa panloloko mo,
Naniwala ako sa lahat ng sinabi mo, na ikaw lang at ako, na hindi mo alam ang kahulugan ng salitang masaya kapag hindi ako ang kasama mo,
Naniwala ako sa siyam na letrang araw-araw ay binibigkas mo, siyam na letrang sinasabi mo sa akin, na sinasabi mo rin pala sa iba,
At kahit paulit-ulit mong sambitin, wala naman palang kwenta,
Pasensya na kung pinaniwalaan ko lahat ng matatamis mong salita, pasensya na kung sineryoso kita, pasensya na kung minahal kita,
Pasensya na dahil hindi ko na kaya, pasensya na dahil tapos na ako sa pagluha, pasensya na dahil pinili kong mag-isa noong bumalik ka,
Muli nating ipakilala ang mga tauhan dito sa istorya nating pangkaraniwan din lang katulad ng iba,
Sapagkat hindi na ako uto-uto at tanga at sa pagkakataong ito, masaya na ako kahit wala ka na.