Loading...
Sa di kalayuan ay may nakita akong isang pamilyar na pigura habang naglalakad pauwi ng boarding house ngunit habang papalapit ako ay nararamdaman ko ang bumibilis na pagtibok ng puso ko, sa hindi malamang dahilan ay kinakabahan ako. Ngunit ibang uri ng kaba ito, may kakaiba, hindi ko mawari kung ano. Kaunti na lang ang pagitan nating dalawa, at nang lumingon ka ay nakumpirma ko ang dahilan ng mabilis na pagtibok ng puso ko. Kaya pala! Kaya pala walang takot akong nararamdaman sa kabila ng nagkakarerang pintig ng puso ko. At kung kanina ay puso ko lang ang hindi mapakali, ngayon ay ang buong sistema ko ang hindi magkamayaw sa dapat nitong gawin. Nanginginig ang mga kamay ko, at pinagpapawisan ako ng malagkit. Pakiramdam ko rin ay walang boses na maaaring lumabas sa aking bibig sa oras na subukan kong tawagin ang iyong pangalan. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay sinubukan kong maglakas loob. At hindi ko maintindihan kung saan nangaling ang lakas na iyon para tawagin ka at mag-alok ng tulong. Noong lumingon ka ay bakas sa mukha mo ang pagtataka, marahil ay nagtatanong ka kung sino ba ako at bakit tinawag kita. Mas lalo kang lumapit sa akin at waring sinusubukang alalahanin kung magkakilala nga ba tayong dalawa, oo, nadismaya ako, at parang may pumitik sa puso ko. Natatandaan ko pa noong tinanong mo kung anong year ko at nabigla ka dahil magkayear lang pala tayong dalawa, naitanong mo pa kung bakit hindi mo ako nakikita. Nalungkot ako nun, araw araw kasing nagkukrus ang landas nating dalawa, pero hindi mo pala yun napapansin. Ngunit sa pagkakataong ito ay ngumiti ka, nagulat ako, hindi ko maintindihan kung ano ang gagawin at sasabihin ko. Para bang nagkaroon kami ng biglaang pagsusulit at hindi ako nakapag-balik aral. Hindi ako handa, oo iyon na nga. Hindi ko naisip na maaari palang dumating ang araw na ito. Ngunit para bang may sariling isip ang katawan ko, hindi ko makontrol ang mga ito. At oo nginitian kita pabalik. Nagpakilala rin ako sa iyo, ngunit sinabi mo na kilala mo na nga ako. Pagkatapos ay magkasabay tayong naglakad, habang tinutulungan kitang dalhin ang mga gamit mong dala. Nagkukwento ako sayo ng kung anu-ano, at hindi ko rin naman mapigilan ang aking bibig na maglabas ng mga salita. Masyadong mabilis ang mga pangyayari, hindi ko namalayan na nagtatapat ka na pala. Nagulat ako, hindi ako makahanap ng tamang salita para sumagot sa lahat ng ipinagtapat mo. Pero kasabay ng pagkagulat ay ang pagkatuwa. Masyadong maraming emosyon para sa araw na ito. At nang handa na akong sumagot, nagising ako.
Panaginip! Panaginip lang pala. Akala ko totoo. Akala ko napansin mo na nga ako. Akala ko gusto mo na rin ako. Akala ko lang pala. Masakit talaga ang katotohanan, walang pakundangan kung manampal. Pero naisip ko, maswerte na rin siguro ako, dahil minsan sa panaginip ko, nagustuhan mo rin ako.
Pero sa totoo, umaasa ako na balang araw ay mapansin mo.